Chery Tiggo, nagpaalam na sa PVL; players, papasok sa dispersal draft
Hindi na lalahok sa susunod na season ng Premier Volleyball League (PVL) ang Chery Tiggo matapos ianunsyo ng koponan ang kanilang disbandment.
Ito ang pagtatapos ng limang taong kampanya ng Crossovers sa liga, na minsang sinelyuhan ang makasaysayang championship sa Bacarra Bubble noong 2020.
Sa pahayag ng franchise, binanggit nilang ipinagmamalaki nila ang kanilang naging paglalakbay mula sa pagiging Foton Tornadoes hanggang sa paglipat sa Chery Tiggo.

Kasama rin dito ang mga panalo at mga talentong kanilang nahubog sa loob ng mahigit isang dekada. Bago sumali sa PVL, unang sumabak ang Crossovers sa Philippine Superliga (PSL) hanggang sa paglipat nila sa bagong professional era ng PVL.
Taong 2021 nang makuha ng Chery Tiggo ang kauna-unahang title nito sa liga. Sa pag-alis ng koponan, ang kanilang roster na puno ng kilalang manlalaro tulad nina Ara Galang, Aby Maraño, Mylene Paat, Jen Nierva, Jasmine Nabor, Pauline Gaston, at iba pa ay malalagay sa dispersal draft.
Ibig sabihin, malilipat ang kanilang mga atleta sa iba’t ibang PVL teams. Nagpaabot naman ng pasasalamat ang grupo sa mga sponsors, staff, at lalo na sa mga manlalarong nagsuot ng kanilang jersey sa iba’t ibang panahon.
Binanggit din nila ang malaking ambag ng kanilang fans na anila’y nagsilbing puso ng koponan. Tiniyak naman ng franchise na mananatili ang kanilang pamana ng determinasyon at teamwork na nagdala sa kanila bilang isa sa pinakatanyag na volleyball clubs sa bansa sa nakalipas na mga taon. #
