Porac Mayor Capil, sumuko na
Boluntaryo nang sumuko sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) si Porac, Pampanga Mayor Jaime “Jing” Capil ngayong Martes, December 2.

Kasama ang kanyang mga abogado, personal na nagtungo ang alkalde sa tanggapan ng naturang hukuman upang magbayad ng piyansang nagkakahalaga ng ₱630,000.
Matatandaang hindi inabutan ng mga tauhan ng Pampanga Police Provincial Office (PPO) si Capil sa kanyang bahay nitong Linggo, November 30, para ihain sana ang arrest warrant na inilabas ng korte noong November 28.
Hindi rin nagpakita ang alkalde sa flag ceremony ng munisipyo nitong Lunes, December 1, ayon pa sa mga otoridad.
Nahaharap si Capil sa seven counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil umano sa pag-iissue at pagre-renew ng permit ng Lucky South 99 — ang operator ng mega POGO hub sa kanilang bayan.
Una nang sinabi ng kampo ni Capil na nakahandang sumuko sa mga otoridad ang alkalde basta hindi ipagkakait sa kanya ang due process.
“Gaya ng aking pagharap sa lahat ng pagsubok, ‘di po ako nagtatago. Sumusunod po ako sa batas. Salamat po sa pagmamahal at suporta ng lahat, sa aking pamilya, sa mga kaibigan at lalo na sa walang sawang pagmamahal at pang-unawa ng aking mga kababayan. Bukas po tuloy po ako sa paglilingkod muli sa inyo, Poraqueños,” ani Capil sa isang panayam ngayong araw.
Kaugnay nito, kinansela na ng naturang korte ang inilabas nilang arrest order para sa alkalde, habang itinakda naman ang arraignment at pre-trial ng kaso nito sa Martes, December 11. #
