4 pang luxury cars ng Discaya couple, ipapa-auction sa Dec. 5
Panibagong batch ng high-end vehicles na nakumpiska mula sa kontrobersyal na contractor couple na sina Curlee at Sarah Discaya ang nakatakdang ipa-auction ng Bureau of Customs (BOC).
Gaganapin ang second round ng bentahan sa BOC main office sa Port Area, Manila sa darating na Biyernes, December 5.

Ayon sa BOC, may combined value na ₱17.3 million ang apat na sasakyang isasailalim sa auction. Isasagawa ang bidding nito sa pamamagitan ng sealed bids simula 10 AM sa nabanggit na araw.
Magkakaroon ng public viewing sa mga qualified bidders sa December 2 at 3 na pamamahalaan ng Auction and Cargo Disposal Division ng Port of Manila.
Maaring tingnan ng mga interesadong bidder ang kumpletong detalye sa official website ng BOC.
Ang isasagawang auction ay kasunod ng matagumpay na bentahan noong November 20, kung saan nakalikom ang gobyerno ng mahigit ₱38 million mula sa tatlong iba pang luxury vehicles ng Discaya couple.
Itinuturing ng BOC na mahalagang hakbang ang sunod-sunod na auction upang mapabilis ang disposal ng mga nakumpiskang sasakyan at matiyak na may pakinabang na babalik sa kaban ng bayan mula sa mga kontrobersiyal na ari-arian. #
