Pagtanggap ng ₱30-M campaign donation ni Escudero, hindi labag sa batas: Comelec

Wala raw ebidensya na magpapatunay na lumabag si Sen. Francis “Chiz” Escudero sa Omnibus Election Code noong May 2022 elections, ayon sa Political Finance and Affairs Department (PFAD) ng Commission on Elections (Comelec).
Kaugnay ito ng ₱30 million campaign donation sa kanya ng kaibigang si Lawrence Lubiano na presidente ng Centerways Construction and Development Inc.
Ayon sa PFAD, personal na pera ni Lubiano ang ginamit sa donasyon at walang indikasyon na galing sa sarili niyang kumpanya ang pondo. Hindi rin umano sapat ang alegasyon upang sabihing mula sa Centerways ang naturang kontribusyon.
Binigyang-diin ng Comelec na walang indikasyon ng pandaraya, masamang, intensyon, o pagtatangkang iwasan ang legal na obligasyon, kaya’t wala raw hadlang sa pagtanggap ni Escudero ng naturang halaga ng pera sa kanyang kampanya.
Matatandaang nitong Agosto nang kumpirmahin ng Senador na nakasaad sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE ang donasyon ni Lubiano. Wala rin umano siyang itinatagong pera o pondo na hindi naitala sa kanyang SOCE. #
