FDA at LTO, nanguna sa Top 10 Most Complained Agencies: Anti-Red Tape Authority

Pinangalanan ng Anti-Red Tape Authority o ARTA ang Top 10 Most Complained Agencies mula January hanggang August 2025, kasabay ng pagdinig ng Senado sa 2026 budget ng ahensya.
Sa listahan ng ARTA, nanguna ang Food and Drug Administration (FDA) na may 465 na reklamo, na sinundan ng Land Transportation Office (LTO) na may 287 no. of complaints, Bureau of Internal Revenue (BIR) na may 239, Philippine Statistics Authority (PSA) na may 171, at Land Registration Authority (LRA) na may 113 na sumbong.
Kasama rin sa top complaints list ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Department of Foreign Affairs (DFA), Professional Regulation Commission (PRC), at Bureau of Customs (BOC).
Sila ang 10 ahensyang nakatanggap ng pinakamataas na bilang ng sumbong mula sa publiko.
Para naman sa government-owned and -controlled corporations (GOCCs), iniulat ng ARTA na nanguna ang Social Security System (SSS) na mayroong 244 na reklamo.
Kaugnay nito, hinimok ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang ARTA na muling buhayin ang kanilang “shame campaign” na maglalabas ng listahan ng mga LGU at national agencies na may pinakamaraming reklamo kaugnay ng red tape.
Aniya, mahalaga ang ganitong uri ng paglalantad upang managot ang mga tanggapan at mapilitang pagandahin ang kanilang serbisyo, lalo na kung paulit-ulit silang inirereklamo ng publiko. #
