1st pro boxing fight ni Jimuel Pacquiao, inaabangan sa Amerika
Handa nang sumabak sa professional boxing scene ang anak ni Pinoy boxing legend Manny Pacquiao na si Jimuel Pacquiao.

Sa ilalim ng gabay ng kanyang ama, nakatakdang sumalang si Jimuel sa kanyang pro boxing debut sa Pechanga Resort Casino sa California sa November 29.
Makakaharap niya sa isang umatikabong bakbakan ang kapwa niya first timer sa pro scene na si American boxer Brendan Lally.
Matagal nang sinusubaybayan ng boxing enthusiasts ang pagsasanay ni Jimuel sa Wild Card Boxing Gym sa Los Angeles, na kilalang stomping ground ng kanyang ama.
Tumatayo bilang kanyang trainer ang assistant ni Freddie Roach na si Marvin Somodio upang lalo pang hasain ang kanyang kakayahan sa loob ng ring.
Ayon kay Jimuel, malaking inspirasyon ang kanyang ama sa kanyang karera. Marami raw siyang natutunan mula kay Pacman, hindi lamang ang mga tamang technique kundi pati ang dedikasyon at disiplina sa pagiging atleta.
Pinayuhan din daw siya ni Manny na manatiling focused at mag-training nang mabuti.
Bagama’t dala ang mabigat na apelyido, ipinamalas ni Jimuel ang galing sa kanyang amateur career na dala niya sa kanyang pagpasok sa professional boxing.
Inaasahang magiging mainit ang laban sa November 29 — hindi lang para sa hardcore boxing fans kundi pati sa mga nagnanais masaksihan ang pagpapatuloy ng Pacquiao legacy sa international boxing scene.
Para kay Jimuel, ang laban ay simula pa lamang ng kanyang paglalakbay, at handa siyang ibuhos ang lahat ng kanyang lakas upang mag-iwan ng marka katulad ng kanyang ama. #
