‘No building policy’ sa Sapangbato, muling iginiit ni Cong. Pogi

Sa ginawang inspection ni Pampanga 1st District Rep. Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr. nitong Huwebes, November 20, muli siyang nanindigan na ipatupad ang ‘no-build’ policy at proteksyon sa 546-hectares na Sapangbato Watershed, alinsunod sa Comprehensive Land Use Plan (CLUP) 2021–2030.
Kasama niya sa masusing pag-iikot ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), at Angeles City LGU na layong tiyakin na walang bagong istrukturang lumalabag sa batas — isang isyung matagal nang tinutukan ng kongresista mula pa noong siya’y alkalde at ipinasara ang ilang ilegal na establisyimento sa lugar.
Kaugnay nito, pinuntahan ng CLTV36 News team ang community boundary ng Sapangbato sa Angeles City at Porac upang makita ang aktwal na kalagayan ng ilan sa kritikal na bahagi ng watershed.
Dito, makikita ang ilang bahagi ng ‘no-build’ zone na tila napagtayuan ng residential at leisure structures, pati na rin ang natural na daloy ng tubig patungo sa tinatawag na “Third River”. Sa parehong lugar, namataan din ang tambak ng basura sa mismong boundary.
Sa harap ng banta ng pagbaha at patuloy na pagnipis ng forest cover, binalikan ni Lazatin ang kanyang paghahain ng House Resolution No. 446 noong November 11 na humihiling sa DENR ng mas mahigpit na pagpapatupad ng CLUP.
Nanawagan siyang maging katuwang ang LGU, media, at komunidad sa pag-uulat ng anumang paglabag upang hindi na maulit ang pinsalang dulot ng nagdaang mga bagyo.
Bilang bagong miyembro ng Special Committee on Reforestation ng Kamara, iginiit ng kongresista na hindi lamang ito inspeksyon, kundi hakbang patungo sa isang mas malawak na laban para sa klima, seguridad sa tubig, at pangmatagalang proteksyon ng kabundukan ng Angeles, Mabalacat, at Porac. #
