Alice Guo, hinatulan ng reclusion perpetua dahil sa kasong qualified trafficking; ₱6-B properties, binawi ng pamahalaan
Hinatulan ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo (o Guo Hua Ping) matapos siyang ideklarang guilty sa kasong qualified human trafficking ng Pasig RTC Branch 167 sa ilalim ni Judge Annielyn Medes-Cabelis.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio, ang hatol ay isa sa pinakamalaking tagumpay mula sa mahigit 50 criminal cases na isinampa laban kay Guo, na itinuturong pangunahing personalidad sa illegal POGO operations.
Kasabay ng desisyon, kinumpirma ni Casio na binawi ng national government ang 10-hectare property, kabilang ang buong Baufo compound, na tinatayang nagkakahalaga ng nasa ₱6-bilyon. Paglilinaw niya, hindi maaaring pakialaman ng Bamban LGU ang naturang property, taliwas sa mga unang ulat na balak itong gawing bahagi ng munisipyo.
Dagdag pa ni Casio sa panayam ng CLTV36 News, hindi kabilang sa trafficking case si Porac Mayor Jing Capil. Mayroon umano itong hiwalay na kaso sa Department of Justice.
Ayon sa PAOCC, ang hatol laban kay Guo ay isa pa lamang sa serye ng tagumpay ng pamahalaan sa pagpapanagot sa mga nasa likod ng mga iligal na operasyong nakaapekto sa seguridad at ekonomiya ng bansa. #
