Ramon Ang, walang interes sa pulitika; tututok sa negosyo at pagtulong sa komunidad

Nilinaw ni San Miguel Corporation (SMC) President at CEO Ramon Ang na wala siyang balak pumasok sa politika sa gitna ng kumakalat na espekulasyon online.
Ayon kay Ang, marami siyang natanggap na mensahe ngayong araw kaugnay ng isyung ito kaya’t minabuti niyang tapusin na ang mga naturang haka-haka.
Aniya, mas kilala siyang nagtatrabaho sa negosyo, nagtatayo ng mga proyekto, tumutulong sa gobyerno, at sumusuporta sa mga komunidad. Iginiit niyang dito siya mas naniniwalang makatutulong sa publiko.
Bagama’t nauunawaan niyang maraming naghahanap ng mabilis na solusyon dahil sa problema ng bansa, binigyang-diin niya na wala sa isang tao lamang ang pag-unlad, kundi sa sama-samang pagkilos ng pamahalaan, pribadong sektor, at mamamayan.
Samantala, tiniyak din niya na mananatili ang SMC bilang katuwang ng pamahalaan sa pagpapatayo at pagpapaunlad ng bansa. #
