Romualdez, PBBM, idinawit ni Zaldy Co sa umano’y ₱100-B insertion sa 2025 National Budget

Binasag na ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ang kanyang pananahimik matapos akusahan sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez na nasa likod umano ng ₱100 billion “insertion” sa 2025 National Budget.
Sa isang video statement na ipinost ng kongresista sa kanyang Facebook page ngayong Biyernes, November 14, sinabi ni Co na ginamit umano siya bilang “panakip-butas” sa kampanya kontra korapsyon ng administrasyon.
Ikinuwento ni Co na lumabas siya ng bansa noong Hulyo para sa isang medical checkup at nagbalak nang umuwi matapos ang State of the Nationa Address (SONA). Ngunit pinigilan daw siya ni Romualdez, alinsunod sa utos ni PBBM.
“Umalis ako noong July 19, 2025 para sa aking medical checkup. Nakaplanong bumalik pagkatapos ng SONA ng Pangulo. Pero habang papauwi na ko, tinawagan ako ni House Speaker Martin Romualdez at sinabing ‘You will be well taken care of as instructed by the President,’” ani Co.
Ayon kay Co, kalaunan niya lang naunawaan na ang “pag-aalaga” umano ay para gawing mukha ng kanilang anti-corruption narrative.
“Noon naniniwala pa ako sa kanila, kaya hindi ako bumalik. Tumikom ang aking bibig, sumunod ako. Pero ang hindi ko alam, ang ibig pala nilang sabihing ‘aalagaan ka namin’ ay gagamitin ako bilang panakip-butas sa kanilang kampanya laban sa korapsyon. Ginawa nila akong poster boy ng kanilang sariling kasinungalingan,” pahayag ng kongresista.
”Ngayon, hindi na ako mananahimik, ilalabas ko ang lahat ng katotohanan. May resibo, may ebidensya, at may pangalan,” dagdag pa niya.
Aniya, sa simula pa lang ng bicameral process noong 2024, tinawagan na siya ni Budget Secretary Amenah Pangandaman at sinabing utos umano sa kanya ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ipasok ang halaga ng naturang proyekto.
Kinumpirma rin daw niya kay Undersecretary Adrian Bersamin ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) ang sinabi ni Pangandaman at sinabing totoong utos ito ng Pangulo.
“Right after our conversation, tinawagan ko po si dating Speaker Martin Romualdez, at nireport ko ang instructions ng Presidente to insert the ₱100 billion projects, at sinabi niya sa akin ‘What the President wants, he gets’,” kwento ni Co.
Matapos ang ilang araw, nagpatawag umano ng meeting sina Pangandaman at Usec. Bersamin sa kanila ni Romualdez, habang nandoon din si Department of Justice (DOJ) Usec. Jojo Cadiz.
“During the meeting binigay po ni Usec. Adrian Bersamin ang listahan na worth 100 billion… Tinanong kung saan galing ang listahan, ang sagot niya: galing kay PBBM mismo at binigay niya ito mula sa brown leather bag,” saad pa ng dating kongresista.
Naabisuhan din umano sina Romualdez, Pangandaman, Bersamin, at Cadiz kung puwedeng ₱50 billion lang ang ipasok sa programmed funds dahil DPWH, kumpara sa DepEd na hindi umano puwedeng mangyari.
Habang ang ₱50 billion na natitira ay ilagay na lamang sa unprogrammed funds. Ngunit, tinawagan umano siya ni Pangandaman.
“Pagkatapos ng isang araw, tinawagan ako ni Pangandaman at sinabing ang mensahe ng Pangulo, ‘Ipasok ’yan dahil ipinangako na sa akin ni Speaker Martin ’yan at hindi na puwedeng baguhin. Kumbaga, ang utos ng hari hindi puwedeng mabali’,” giit pa niya.
Kaya’t sa lahat ng ito, nagulat rin daw si Co sa pahayag ng Pangulo na hindi niya kilala ang budget. Iginiit niyang lahat ng pagbabago sa pondo ay dumaraan sa pag-apruba ni Budget Secretary Pangandaman na nag-uulat naman sa Chief Executive. #
