Halos ₱200-M agri damage, naitala sa Central Luzon matapos manalasa si Bagyong Uwan

Nag-iwan ng matinding pinsala si Bagyong Uwan sa sektor ng agrikultura sa Central Luzon.
Batay sa latest bulletin ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) nitong Huwebes, November 13, umabot sa halos ₱200 million pesos ang inisyal na damage sa agrikultura sa rehiyon.
Tinatayang ₱29.5 million ang nasira sa mga pananim, habang mahigit ₱170 million ang pinsala sa mga irrigation facility.
Mahigit 1,000 magsasaka at mangingisda sa Bulacan, Nueva Ecija, at Pampanga ang naapektuhan matapos malubog sa baha ang mga sakahan at masira ang ilang irrigation structures.
Pinakamatindi ang tama sa Nueva Ecija na nakapagtala ng ₱170.4 million na damage sa irigasyon, bukod pa sa mga naluging tanim na palay at mais. Sa Bulacan at Pampanga, karamihan ng losses ay sa sektor ng palay.
Patuloy ang assessment at validation ng mga local at regional officials para matukoy ang lawak ng pinsala at mga tulong na kailangan ng mga apektadong komunidad. #
