1st MVP trophy ni June Mar Fajardo, ipapa-auction para sa mga biktima ng Bagyong Tino

Nakatakdang ipa-auction ni San Miguel Beermen star June Mar Fajardo ang una sa kanyang siyam na PBA Most Valuable Player trophies upang makatulong sa mga naging biktima ng Bagyong Tino sa Cebu.
Inanunsyo ni Fajardo ang naturang hakbang sa halftime ng laban ng Beermen kontra Titan Ultra Giant Risers sa Ynares Center nitong Miyerkules, November 12, kung saan nagwagi ang koponan sa score na 158-117.
Batay sa pinakahuling ulat mula sa Office of the Civil Defense, pumalo na sa 232 ang death toll sa pananalasa ng Bagyong Tino. Nasa 112 ang nawawala, at 512 ang naiulat na sugatan.
Ayon kay Fajardo, mahalaga sa kanya ang naturang tropeo dahil simbolo ito ng mga taon ng pagsusumikap at sakripisyo sa kanyang karera. Gayunman, mas pinili niya raw ibigay ito para makatulong sa mga kababayan niyang nasalanta ng matinding pagbaha.
Mas pinili rin daw niyang ipa-auction ang tropeo sa halip na mga jersey o sapatos dahil mas mataas ang halaga nito at maaaring magdulot ng mas malaking ambag sa mga nangangailangan.
Bukod kay Fajardo, ilan pang PBA players ang magbibigay rin ng kani-kanilang personal na gamit para sa live selling na gaganapin ngayong Biyernes, November 14.
Nakamit ni June Mar ang kanyang first MVP title noong 2014-2015 season. Dito nagpakita siya ng triple-double performance na may 12 points, 12 rebounds, at 10 assists laban sa Giant Risers. #
