Mga sangkot sa multi-billion flood control scam, aarestuhin bago magpasko: PBBM

Wala raw merry christmas para sa mga sangkot sa multi-billion peso flood control anomaly sa bansa.
‘Yan ang tahasang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa President’s Report ukol sa naturang isyu sa Kalayaan Hall, Malacañang Palace ngayong Huwebes, November 13.
Ayon sa Pangulo, inaasahan niyang bago mag-Pasko ay maaaresto na ang mga dawit sa flood control fund scam na una niyang inilantad sa kanyang 2025 State of the Nation Address.
Aniya, makukumpleto na ang mga kaso laban sa ilang opisyal at pribadong indibidwal na sangkot dito, at maipatutupad na ang mga warrant of arrest sa mga may kinalaman.
Kabilang dito ang ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office at mga contractor na sangkot sa mga “ghost project,” overpricing, at dayaan sa bidding.
Samantala, naglabas din ng blacklist ang Department of Budget and Management laban sa siyam na kumpanyang konektado kay Sarah Discaya, kabilang ang St. Gerrard Construction at Alpha & Omega, upang hindi na makasali sa mga susunod na proyekto ng pamahalaan.
Sinabi ni Marcos na nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon at posibleng masundan ng iba pang kaso laban sa mga opisyal at negosyanteng damay sa isyu. #
