Protektahan ang Sierra Madre laban sa pagkasira: CBCP official

Ipinanawagan ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mas mahigpit na proteksyon sa Sierra Madre kasunod ng pananalasa ng Super Typhoon Uwan sa Luzon nitong weekend.
Ayon CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice, and Peace Vice Chairman Bishop Gerardo Alminaza, kailangang igiit ng mga Pilipino na tugunan ang responsibilidad sa kalikasan, lalo’t patunay umano ang bawat bagyo ng kahalagahan ng Sierra Madre bilang natural na panangga.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi dapat matapos sa relief operations ang pagtugon sa mga kalamidad, kundi kailangan din umanong isulong ang mga repormang magpapatigil sa pagkasira ng mga kabundukan at kagubatan.
Ipinunto rin ng Obispo na patuloy ang umano’y quarrying, illegal logging, at iba pang proyekto na unti-unting sumisira sa kabundukan, kaya posibleng bumaba ang kakayahan nitong protektahan ang bansa sa mga paparating na sakuna.
Itinuturo ng PAGASA na isang dahilan ng paghina ni Super Typhoon Uwan ay ang pagbangga nito sa matataas na kabundukan sa Luzon, kabilang na ang Sierra Madre. #
