Preemptive evacuation para sa bagyong Uwan, ipinag-utos ng DILG hanggang Nov. 9

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga LGU na tapusin ang preemptive o mandatory evacuation sa mga high-risk community hanggang November 9, bago pa man lumala ang epekto ng papalapit na bagyong “Uwan.”
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. matapos ang isang situation briefing kasama ang mga ahensya nitong Huwebes, November 6.
Ayon sa latest forecast ng PAGASA, inaasahang papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang naturang bagyo ngayong Biyernes, November 7, o sa umaga ng Sabado, November 8. Posible rin itong mag-develop bilang isang super typhoon.
Iginiit ng DILG na hindi na dapat hintayin ng mga LGU na lumala ang panahon bago magsagawa ng paglikas. Dapat ding tiyakin na may sapat na supply ng kuryente at maayos na pamamahala sa evacuation centers, lalo na sa mga flood-prone at landslide-prone areas.
Babala ng PAGASA, posibleng maranasan ang paglala ng panahon sa silangang bahagi ng Luzon pagsapit ng Linggo, habang inaasahan namang makakaapekto nang mas matindi ang bagyo sa Northern at Central Luzon sa Lunes at Martes. Posible ring magkaroon ng storm surge at coastal flooding.
Ipinag-utos din ng DILG ang pagpapatupad ng no-sailing policy at pansamantalang suspensyon ng outdoor at tourism activities sa mga lugar na maaaring tamaan ng bagyo, gaya sa Dingalan, Aurora, na nagpatupad na ng precautionary measures matapos ianunsyo ang suspensyon sa lahat ng tourism activities simula ngayong Biyernes, November 7.
Bukod dito, nagpaalala rin ang ahensya na manatiling nakatutok sa official advisories, sumunod sa mga otoridad, at unahin ang kaligtasan habang papalapit ang masamang panahon. #
