Bagyong Uwan, posibleng mag-landfall sa Aurora o Isabela: PAGASA
By Reyniela Tugay, CLTV36 News
Pinaghahanda na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga LGU sa buong bansa para sa pagtama ng posibleng Super Typhoon Uwan.
Ayon sa PAGASA, inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo at magla-landfall sa Aurora o Isabela sa darating na weekend.

Babala ng ahensya, maaari itong magdala ng matitinding pag-ulan at malalakas na hangin na aabot sa 165 kilometer per hour, at maaaring tumindi pa hanggang 205 kilometer per hour. Inaasahan din ang storm surge o daluyong sa mga mabababang lugar at baybaying dagat, partikular sa silangang bahagi ng Luzon.
Bilang paghahanda, inatasan ng DILG ang lahat ng LGU sa buong bansa na paigtingin ang disaster preparedness. Kabilang dito ang maagang paglikas ng mga residente, pagtiyak sa kahandaan ng mga evacuation center, at paglalagay ng relief goods at kagamitan para sa rescue operations.
Sa Aurora, nagpatupad na ng precautionary measures ang bayan ng Dingalan matapos ianunsyo ang suspensyon sa lahat ng tourism activities simula Biyernes, November 7.

Mahigpit nang ipinagbabawal ang trekking, hiking, swimming, at maging ang paglalakad sa coastal areas, bilang bahagi ng mga hakbang upang mapanatili ang kaligtasan ng mga residente at turista.
Nagpapaalala naman ang PAGASA sa publiko na maghanda na ng mga pangunahing pangangailangan at patuloy na sumubaybay sa mga opisyal na abiso ng ahensya at mga lokal na pamahalaan.
Patuloy pa ring mino-monitor ng ahensya ang kilos ng bagyo, at inaasahang maglalabas ng unang tropical cyclone warning signals sa oras na pumasok ito sa PAR. #
