Angeles City LGU, naghahanda na sa banta ng Bagyong Uwan

Bilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng Bagyong Uwan, nagsagawa ng pre-disaster preparedness meeting ang Angeles City LGU katuwang ang mga punong barangay at City Disaster Risk Reduction and Management Council.
Kabilang sa mga tinalakay ang risk assessment, resources mobilization, at malinaw na evacuation protocols upang maiwasan ang anumang panganib ng bagyo sa mga residente.
Batay sa hazard risk map ng ACDRRMO, labing-apat na barangay ang napabilang sa high-risk flood areas, partikular ang mga nasa paligid ng Abacan River.
May nakahandang evacuation centers sa bawat barangay at magbibigay ng modular tents ang lungsod para sa pansamantalang tirahan ng mga apektadong pamilya.

Inirekomenda rin ang pre-emptive evacuation lalo na sa mga lugar malapit sa Sapang Balen Creek.
Kasabay nito, humihingi ang lungsod ng tulong sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa desilting program upang maibsan ang pagbaha.
Tinitiyak naman ng City Command Center ang 24/7 na operasyon para sa agarang pagresponde at pamamahagi ng food at non-food relief items.
Target simulan ang pre-emptive o forced evacuation sa Biyernes, Nobyembre 7, para sa mga barangay na may mataas na tsansa ng peligro.
Patuloy namang hinihikayat ang publiko na manatiling alerto at sumubaybay sa opisyal na abiso mula sa Angeles City Information Office. #
