Walang power shortage ngayong Undas: Department of Energy

Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat ang supply ng kuryente sa buong bansa habang ginugunita ang Undas.
Patuloy daw ang koordinasyon ng DOE sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, mga power generation companies, distribution utilities, at electric cooperatives para mapanatili ang tuloy-tuloy na power supply ngayong long weekend.
May nakahandang contingency measures na raw sakaling tumaas ang demand o magkaroon ng localized power interruptions.
Magbabantay ang NGCP at distribution utilities para agad na makapagpadala ng technical personnel kung kakailanganin.
Nakikipag-ugnayan din ang DOE sa mga kumpanya ng produktong petrolyo para mapanatiling sapat ang imbentaryo ng gas at diesel, lalo na sa gasoline stations sa mga pangunahing lansangan. Kasabay nito, magbabantay rin ang ahensya sa presyo ng langis para maprotektahan ang consumers laban sa overpricing o pananamantala.
Para naman sa electric vehicle owners, may access sila sa 1,223 charging ports sa buong bansa, kabilang ang 76 sa NCR, 268 sa North at South Luzon, 221 sa Visayas, at 28 sa Mindanao.
Pinaalalahanan din ng DOE ang publiko na maging maingat at matipid sa paggamit ng enerhiya, lalo na kung aalis ng bahay nang matagal.
I-unplug ang mga appliances para iwas phantom load at siguraduhin ang maayos na electrical connections para makaiwas sa short circuit at sunog.
Pinapayuhan din ang mga motorista na magplano ng biyahe, i-check ang sasakyan para sa fuel efficiency, at kung maaari ay mag-carpool o gumamit ng public transport.
Sa mga sementeryo naman, gumamit ng ilaw na matipid sa kuryente at itapon ng tama ang mga baterya.
Kasabay ng pag-alala sa mga namayapang mahal sa buhay, hinihikayat ng DOE ang lahat na isabuhay ang energy efficiency at tumulong sa pangangalaga ng kalikasan para sa mas sustainable na kinabukasan. #
