Info drive kontra online scams, paiigtingin din ngayong Undas

Habang milyon-milyong kababayan ang umuuwi sa probinsya para sa Undas, nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa posibleng pagdami ng online scams, kabilang ang mga pekeng Airbnb bookings at “rent-tangay” scheme.
Paiigtingin umano ng kanilang Highway Patrol Group (HPG) ang information drive sa mga biyahero upang maiwasan ang mga insidente ng panlolo ko, kung saan hindi naibabalik ang mga nirentahang sasakyan matapos kunin ng mga suspek.
Maglalabas din ng advisory ang Anti-Cybercrime Group para gabayan ang mga uuwing probinsya at magbabakasyon, lalo na sa mga online booking platforms na masyadong mura at kahina-hinala.
Bahagi umano ito ng direktiba para matiyak ang ligtas, maayos, at scam-free na Undas 2025, kasabay ng patuloy na paalala na magdoble-ingat sa anumang alok na umano’y “too good to be true.”
Tiniyak din ng PNP na tuloy-tuloy ang checkpoint operations at anti-crime patrols sa buong bansa upang mapanatili ang pagbaba ng mga kaso ng pagnanakaw, robbery, at car theft sa panahon ng Undas.
Nanawagan din sila na agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang hindi makalusot ang mga scammer. #
