50th anniversary ng Ali-Frazier fight noong 1975, ginunita sa Thrilla in Manila 2
Muling nabuhay ang sigla ng isa sa mga pinaka-iconic fight sa history ng boxing matapos idaos ang ikalimampung anibersaryo ng “Thrilla in Manila” sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City nitong Miyerkules, October 29.
Ang espesyal na event na tinawag na “Thrilla in Manila 2” ay layong kilalanin ang makasaysayang bakbakan nina Muhammad Ali at Joe Frazier noong 1975. Isa ito sa mga labang tumatak bilang isa sa mga pinakamatinding heavyweight clashes sa buong mundo.

Sa centerpiece ng Thrilla in Manila 2, nasaksihan ng mga manonood ang middleweight fight sa pagitan ng apo ni Muhammad Ali na si Nico Ali Walsh at ng Thai fighter na si Kittisak Klinsom. Nagtapos ang kanilang sagupaan sa isang technical draw.
Bukod dito, nagpasiklaban din ang ilan sa mga top Filipino boxers kontra foreign opponents. Pinakatampok dito ang paglahok ni WBC Strawweight World Champion Melvin Jerusalem sa main event.

Kasama rin sa mga naghatid ng umaatikabong laban sina Eumir Marcial para sa WBC International Middleweight Championship, gayundin sina Carl Jammes Martin at Marlon Tapales sa junior featherweight division.
Binigyang-diin ng organizers na mahalagang maipagpatuloy ang pagpapalakas sa Philippine boxing upang makilala pa ang talento ng mga lokal na pambato sa pandaigdigang entablado.
Ang orihinal na Thrilla in Manila noong 1975, na ginanap rin sa parehong venue, ay natapos sa 14th-round corner stoppage kung saan nanaig si Ali — isang laban na hanggang ngayon ay itinuturing na alamat sa mundo ng sports. #
