Ibalik ang tunay na diwa ng ‘holy evening’ sa pagdiriwang ng Undas: CBCP

Umaasa raw ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na maibabalik ng simbahan at mga mananampalataya ang tunay na kahulugan ng “All Hallows Eve” o bisperas ng All Saints’ Days.
Anila, ang orihinal na layunin ng bisperas tuwing October 31 ay unti-unti nang napapalitan ng mga temang may kinalaman sa pananakot, multo, at masasamang espiritu.
Giit ni CBCP-Office for the Postulation of the Causes of Saints chairperson Bishop Renato Mayugba, ang Undas ay panahon ng pagninilay, panalangin, at paggunita sa kabanalan ng mga santo at sa mga mahal sa buhay na yumao— hindi ng mga demonyo at “lost souls” na madalas itampok sa mga modernong selebrasyon.
Dagdag pa ng CBCP, tungkulin ng simbahan na ituwid ang paglihis sa tradisyon upang mapanatiling makabuluhan at maka-Diyos ang pagdiriwang ng Undas. #
