Dagdag medical allowance para sa mga PDL, isinusulong ng BuCor

Habang patuloy na humaharap sa isyu ng siksikan at kakulangan sa serbisyong medikal sa mga piitan, nanawagan ang Bureau of Corrections (BuCor) sa Kongreso na itaas ang arawang medical allowance ng persons deprived of liberty (PDL) mula ₱15 patungong ₱30 bawat isa.
Sa pagdinig ng Senado para sa 2026 budget ng Department of Justice nitong Martes, October 21, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang, Jr. na mahalagang madagdagan ang pondo upang matugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng mga bilanggo, lalo na sa mga kulungang labis ang kapasidad.
Bukod dito, isinusulong din ng BuCor ang pag-apruba ng “medical parole bill” na magpapahintulot sa mga preso na may edad 70 pataas o may malubhang karamdaman na makalaya.
Paliwanag ni Catapang, karamihan sa mga matatandang bilanggo ay hirap nang alagaan ang sarili at hindi na banta sa lipunan, kaya nararapat silang bigyan ng pagkakataong makapiling muli ang pamilya.
Naniniwala ang BuCor na bukod sa pagbibigay-ginhawa sa mga may sakit na preso, makatutulong din anila ang panukalang batas sa pagpapaluwag ng mga kulungan sa buong bansa. #
