Cyber units ng PNP, tututukan ang online threats ngayong Undas

Mas palalakasin ng Philippine National Police (PNP) ang ipatutupad na seguridad sa buong bansa nalalapit na paggunita ng Undas sa November 1 at 2.
Sa pamamagitan ito ng paggamit ng kanilang cyber units upang bantayan hindi lamang ang mga sementeryo at terminal, kundi pati na rin ang mga online platform.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., makikipagtulungan ang mga cyber units sa mga regional monitoring hub upang matukoy ang mga threat o maling impormasyon na kumakalat sa social media habang abala ang publiko sa biyahe.
Binanggit ni Nartatez na inatasan din niya ang Anti-Cybercrime Group na bantayan ang mga pekeng advisory, phishing messages, at online scams na ginagamit sa Undas.
Kasabay nito, mahigit 25,000 na pulis at 22,000 force multipliers ang itatalaga sa buong bansa upang magpatrolya at magbigay ng tulong sa mga sementeryo, terminal, pantalan, at paliparan.
Bilang bahagi ng paghahanda, nagsagawa rin ng random drug testing ang PNP Public Information Office sa 37 tauhan nito sa Camp Crame upang matiyak ang integridad at disiplina ng mga pulis habang tumutupad ng tungkulin ngayong Undas. #
