Carlos Yulo, iba pang gymnasts, lilimitahan sa isang apparatus sa 33rd SEA Games

Haharap sa malaking pagbabago si two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo sa nalalapit na 33rd Southeast Asian Games na gaganapin sa Thailand na magsisimula na sa December 9.
Ito ay matapos ipatupad ng naturang host country ang ilang bagong patakaran na naglilimit sa mga gymnast na lumahok lamang sa isang apparatus event.
Ayon sa presidente ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) na si Cynthia Carrion, layon ng bagong sistema na magkaroon ng mas patas na laban sa pagitan ng mga bansa, lalo’t kilala si Yulo na kayang dominahin ang halos lahat ng apparatus sa men’s artistic gymnastics.
Sa nakaraang SEA Games sa Cambodia noong 2023, nasungkit ni Yulo ang gold medals sa individual all-around at parallel bars.
Bukod pa ito sa team event at still rings, dahilan para umabot sa walong medalya ang kabuuang naiuwi ng Pilipinas sa larangan ng gymnastics.
Dahil sa bagong patakaran, pinag-aaralan ngayon ng GAP kung sa floor exercise o parallel bars sasabak si Yulo.
Pinaplano na rin ngayon ng grupo kung paano maipamamahagi sa iba pang atleta ang natitirang kategorya.
Sa kabila nito, target pa rin ng national team na mapanatili ang kanilang pwesto bilang isa sa mga pinakamalakas na gymnastics teams sa rehiyon, sa pangunguna nina Ivan Cruz at Miguel Besana na parehong gold medalists sa nakaraang edisyon.
Samantala, patuloy naman ang paghahanda ni Yulo at ang buong pambansang koponan para sa Artistic Gymnastics World Championships na gaganapin sa Jakarta, Indonesia sa October 19 hanggang October 25. #
