Illegal online gambling sa Pilipinas, bumagsak nang 93%: CICC

Ramdam na ang epekto ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal online gambling sa bansa.
Batay sa report ng analytics firms na Gogolook at Whoscall, bumagsak nang 93% ang illegal online gambling mula 2nd hanggang 3rd quarter ng taon.
Ayon kay Undersecretary Renato Paraiso, acting Executive Director ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), bunga ito ng pinagsanib na pwersa ng private partners, mga mambabatas, government agencies, at ng mga otoridad.
Dahil dito, mas mabilis na umanong natutukoy at naba-block ang illegal gambling sites, habang marami ring foreign investors ang umatras at takot nang mamuhunan bunsod ng mahigpit na regulasyon sa bansa.
Partikular na kinilala ng opisyal ang kontribusyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), National Bureau of Investigation (NBI), at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ayon sa Gogolook, bihira na rin silang makatanggap ng tawag o reklamo tungkol sa online gambling, habang nananatili ang pagkilos ng CICC sa kahalintulad na cybercrimes.
Umaasa ang ahensya na magpapatuloy ang pagpapatupad ng mga hakbang at pinalakas na ugnayan sa laban sa tinaguriang “modernong bisyo” na sumisira sa buhay ng maraming Pilipino.
Samantala, planong magtayo ng training center for digital forensics sa Camp John Hay, katuwang ang mga eksperto sa digital security.
Layunin ng pasilidad na bumuo ng training modules at magsanay ng karagdagang analysts mula sa PNP-ACG, NBI Cybercrime Group, at DOJ – Office of Cybercrime para sa mas epektibong pagsusuri ng digital artifacts. #
