2nd comeback fight ni Pacquiao, posibleng maantala

Posibleng maantala ang inaabangang pagbabalik sa ring ni Pinoy boxing legend at dating 8th division world champion Manny Pacquiao sa January 2026.
Ito ay matapos ipag-utos ng World Boxing Association o WBA kay reigning welterweight champion Rolando Romero na depensahan muna ang kanyang titulo laban sa mandatory challenger na si Shakhram Giyasov ng Uzbekistan.
Ayon sa WBA, dapat depensahan ni Romero ang kanyang korona sa loob ng 120 days mula nang makuha niya ito noong May 2025, ngunit lumampas na raw ang deadline noong September 1.
Dahil dito, naglabas ang sanctioning body ng mandatory bout notice na nag-aatas kay Romero na harapin si Giyasov sa susunod niyang laban.
Si Romero ang umano’y napapabalitang makakaharap ni Pacquiao para sa isang matinding laban sa Las Vegas sa unang bahagi ng 2026.
Ngunit batay sa WBA rules, hindi pwedeng lumaban ang isang kampeon sa non-mandatory fight hangga’t may nakabinbing obligasyong depensahan ang titulo.
Bagama’t may posibilidad na mabigyan muli ng step-aside offer si Giyasov upang bigyang-daan ang laban nina Pacquiao at Romero, wala pang pormal na kasunduan o kumpirmasyon mula sa WBA o sa magkabilang kampo.
Kung hindi papayagan ng WBA ang exception, maaaring maurong o tuluyang kanselahin ang inaabangang 2nd comeback fight ni Pacquiao matapos ang kanyang halos apat na taong hiatus. #
