Discaya couple, umatras sa flood control probe ng Independent Commission for Infrastructure
Umatras na sa pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang kontrobersyal na mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project sa bansa.
Kinumpirma ito ni ICI Executive Director Brian Keith Hosaka. Aniya, nagbago ang desisyon ng dalawa matapos nilang malaman na hindi sila automatic na magiging state witness kahit makipag-cooperate sa imbestigasyon.
Dahil dito, hindi na rin umano dadalo ang mag-asawa sa mga susunod pang pagdinig ng Komisyon.
Samantala, bagama’t patuloy silang sumasagot sa mga subpoena ng Department of Justice (DOJ), sinabi ng mga tagausig na wala pa rin silang naibibigay na impormasyong makatutulong sa kaso.
Bukod dito, hindi pa rin nila naibabalik ang bahagi ng perang kinita mula sa mga kontrata na isa sa mga pangunahing kondisyon para sa sinumang nagnanais maging state witness.
Matatandaang kamakailan lang ay sinampahan na rin sila ng kasong tax evasion sa DOJ dahil umano sa hindi pagbabayad ng buwis na umabot sa mahigit ₱7.1 billion mula 2018 hanggang 2021. #
