SALN ng mga gov’t official, mas madali nang i-access ng publiko: Ombudsman
By Acel Fernando, CLTV36 News

Magiging bukas na muli sa publiko at mga mamamahayag ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno matapos ilatag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang bagong patakaran ukol dito.
Sa ilalim ng panuntunan, hindi na kailangan ng pahintulot mula sa mismong opisyal bago makuha ang kanyang SALN, basta’t ang kahilingan ay hindi labag sa batas o moral. Kailangan lang magpakita ng dalawang valid ID at magbayad ng kaukulang fee para sa kopya.
Gayunman, mananatiling confidential ang ilang detalye sa dokumento gaya ng buong address, pangalan ng mga anak, lagda, at government ID number upang mapangalagaan ang privacy ng mga opisyal.
Obligado rin ang mga mamamahayag na magsumite ng kopya o link ng kanilang ulat hinggil sa SALN sa Office of the Ombudsman sa loob ng limang araw matapos mailathala.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, layunin ng bagong panuntunan na palakasin ang transparency at pananagutan sa pamahalaan.
“This step is not about politics, it is about accountability. The public deserves proof, not promises, that integrity still has a place in public service,” ani Clavano.
“Transparency in this area is not a slogan. It is a safeguard against corruption and a deterrent to abuse of power,” dagdag pa niya.
Ang nasabing patakaran ay magkaiba sa dating restrictions ni former Ombudsman Samuel Martires, kung saan kailangan pa ng notarized consent o court order bago mailabas ang SALN.
Wala rin daw exempted sa bagong alituntunin dahil maaaring i-request maging ang SALN nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., dating Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Sara Duterte, at iba pang lokal na opisyal.
Epektibo ang bagong memorandum simula October 29, 2025 o 15 araw matapos ang opisyal na issuance nito. #
