All-Filipina showdown: Centeno, wagi kontra Amit sa Women’s World 10-Ball Championship Finals
Muling pinatunayan ni Chezka Centeno na siya ang reyna ng World 10-Ball matapos talunin si Rubilen Amit sa isang kapana-panabik na all-Filipina finals ng World Pool-Billiards Association (WPA) Women’s 10-Ball Championship sa Bali, Indonesia nitong Linggo, October 12.

Sa dikit na laban na umabot pa hanggang sa 5th set, nanaig si Centeno sa scores na 4-1, 2-4, 4-2, 3-4, at 4-2 matapos samantalahin ang isang crucial error ni Amit sa huling rack.
Sa panalong ito, muling nasungkit ni Centeno ang korona na una niyang napanalunan noong 2023, at naibigay sa Pilipinas ang ikaapat nitong world title sa nasabing torneo.

Sa edad na 26, isa na si Centeno sa manlalarong may higit na isang kampeonato sa event. Kasama niya rito si Amit na nagwagi noong 2009 at 2013.
Ito rin ang unang pagkakataon na parehong Filipina ang nagharap sa finals ng kompetisyon.
Bagaman muntik pang makabawi si Amit matapos mabawasan ang kalamangan ni Centeno sa huling set, isang scratch sa kanyang break ang nagbukas ng pagkakataon para tuluyang tapusin ni Centeno ang laban at angkinin ang kampeonato na may katumbas na 50,000 US dollars.

Sa kabila ng mahigpit nilang laban, kapwa nagpakita ng respeto at pagkakaibigan ang dalawang Pinay cue artists. Ipinahayag ni Centeno ang kanyang paghanga kay Amit at sinabing sinuwerte lamang siya sa pagkakataong ito.
Bago ang pagtutuos sa finals, dumaan muna si Centeno mula sa losers’ bracket, kung saan pinatalsik niya ang reigning champion na si Kristina Tkach ng Russia. Sinundan ito ng makapigil-hiningang panalo kontra kay Wang Wan-Ling ng Taiwan, at ang malinis na 3-0 win kay Liu Shasha ng China sa semifinals.
Samantala, pumasok naman si Amit sa finals nang walang talo. Matapos ang torneo, naiuwi niya ang 25,000 US dollars bilang runner-up. #
