Higit 900 farmers sa Nueva Ecija, nakatanggap ng Certificate of Condonation mula sa Department of Agrarian Reform

Tila bagong pag-asa ang hatid sa mahigit 900 agrarian reform beneficiaries sa Nueva Ecija matapos ipagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mahigit ₱24.6 million na halaga ng Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCROM).
Isinagawa ang ceremonial distribution sa Talavera National High School Gym, Barangay Pag-asa, Talavera nitong Biyernes, October 10, na pinangunahan ni DAR Undersecretary for Field Operations Kazel Celeste.

Aabot sa 1,056 CoCROMs na sumasaklaw sa 1,420 hectares ng lupa ang ipinagkaloob sa 903 ARBs. Katumbas ito ng ₱24.6 million ng kabuuang utang at interes sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Sa tala ng DAR-Nueva Ecija, umabot na sa ₱297 million ang kabuuang halaga ng condoned loans na napakinabangan ng 6,567 na magsasaka sa lalawigan hanggang September 30, 2025.
Bukod sa condonation, namahagi rin ang kagawaran ng land titles sa ilalim ng dalawang programa — ang Regular Land Acquisition and Distribution (LAD) at Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.
Sa kabuuan, 235 na titulo ang naipamahagi na sumasaklaw sa mahigit 317 hectares na lupain.

Samantala, dalawang Agrarian Reform Beneficiaries’ Organization (ARBOs) din ang tumanggap ng ₱4.2 million na pondo mula naman sa Agri-Enterprise Loan and Easy Access for Rural Transformation (ALERT) program. Magagamit nila ito sa pagpapalago ng kanilang operasyon at kabuhayan.
Ayon sa DAR, patunay ang mga naturang hakbang sa patuloy na pagsusumikap ng pamahalaan na isulong ang tunay na repormang agraryo at palakasin ang agriculture sector sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na suporta sa mga magsasaka at kooperatiba. #
