‘One La5t Flight’: Gabe Norwood, magreretiro na sa basketball
Matapos ang 17 makasaysayang taon sa Philippine Basketball Association (PBA), tuluyan nang magpapaalam sa hard court si Rain or Shine Elasto Painters star player Gabe Norwood pagkatapos ng PBA Philippine Cup Season 50.
Sa kanyang Facebook video post na may caption na “One La5t Flight”, ibinahagi ni Norwood na panahon na upang magtapos ang kanyang journey bilang isang basketball player. Aniya, sapat na ang lakas, puso, at panahon na kanyang ibinigay sa larong minahal niya.

Matatandaang ang 40-anyos na si Norwood ang naging No. 1 overall pick ng Rain or Shine noong 2008 rookie draft at nagsilbing sandigan ng koponan sa loob ng halos dalawang dekada.
Sa kanyang karera, nakamit niya ang dalawang PBA championships at 11 All-Star selections, bukod pa sa mga pagkilalang gaya ng Defensive Player of the Year at Rookie of the Year.

Hindi lang sa larangan ng PBA nagningning ang kanyang pangalan. Napabilang din siya sa national basketball team ng bansa na Gilas Pilipinas, kung saan nakamit nila ang dalawang silver medals sa FIBA Asia Championship at isang gold medal sa Southeast Asian (SEA) Games.
Bukod sa kanyang mga tagumpay sa court, nagsilbi rin si Norwood bilang assistant coach ng Rain or Shine simula noong 2024.
Sa kanyang pagreretiro, ipinahayag ni Norwood ang taos-pusong pasasalamat sa kanyang fans, teammates, at sa buong organisasyon ng Rain or Shine na aniya’y naging pamilya niya sa loob ng mahigit 15 taon. #
