Tulong mula sa United Nations, nakaabang habang inaalam ang pinsala ng lindol sa Davao Oriental

Nakahanda raw ang United Nations (UN) Philippines na tumugon kung sakaling humingi ng tulong ang pamahalaan para sa mga naapektuhan ng pagtama ng magnitude 7.4 na lindol sa Davao Oriental umaga ngayong Biyernes, October 10.
Ayon kay UN Philippines Resident Coordinator Arnaud Peral, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga local authority at civil society organizations para sa mabilis na pagresponde sa mga apektadong komunidad.

Sa ngayon, inaalam na raw ng UN Team ang lawak ng pinsala at ang posibleng pangangailangan ng mga residente sa pamamagitan ng kanilang contingency plan.
Bandang 9:43 AM ngayong Biyernes nang yanigin ng lindol ang Davao Oriental, ayon sa PHIVOLCS, na nagdulot ng tsunami alert sa ilang baybaying lugar.
Ito na ang ikalawang malakas na lindol sa Pilipinas sa loob ng dalawang linggo, matapos ang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu noong September 30. #
