Nationwide rollout ng unified PWD ID system, sisimulan ng DSWD sa October 13
Handa nang ilunsad ng Department of Social Welfare and Development o DSWD at ng National Council on Disability Affairs ang nationwide rollout ng Unified Identification System para sa mga persons with disabilities sa darating na Lunes, October 13.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary and Chief Information Officer Johannes Paulus Acuña, lahat ng lokal na pamahalaan sa bansa ay kasali sa implementasyon. Target nitong makapagrehistro ng mahigit sa 200,000 PWDs sa unang bugso.
Sa mga naunang pilot test sa Maynila, Muntinlupa, Pasay, San Miguel sa Bulacan, at Sta. Rosa sa Laguna, naging mabilis at maayos daw ang registration process na tumatagal lamang ng pito hanggang sampung minuto.
May taglay na security features ang naturang unified ID — kabilang dito ang digital ID na maaaring ma-access sa pamamagitan ng mobile app o web portal. May QR code din ito para sa mas madaling verification ng mga establisimyento. Plano rin itong isama sa eGovPH app katuwang ang Department of Information and Communications Technology o DICT.
Ang Unified PWD ID System ay bahagi ng inisyatiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian bilang suporta sa direktiba ni President Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang inklusibong programa para sa vulnerable sectors at upang matigil na rin ang pagkalat ng fake PWD IDs. #
