Luxury vehicles ni ex-DPWH Bulacan Engr. Brice Hernandez, iimbestigahan ng Customs

Sisiyasatin umano ng Bureau of Customs (BOC) ang luxury vehicles na sinurrender ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Brice Hernandez sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sa panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Atty. Chris Bendijo, Deputy Chief of Staff ng Office of the Commissioner ng BOC, tinitingnan din ng ahensya kung maayos na nabayaran ang buwis ng mga naturang sasakyan.
Kasabay nito, iniimbestigahan din umano nila ang ilang empleyado ng DPWH na posibleng sangkot sa kaparehong usapin.
Ibinunyag din ni Bendijo na may ilang tauhan ng Customs ang pinadalhan ng show cause orders matapos lumitaw ang kanilang mga pangalan sa mga dokumentong kaugnay ng pagpasok ng mga smuggled item sa bansa.
Nilinaw naman niya na limitado sa importation aspect ng mga sasakyan ang saklaw ng kanilang imbestigasyon, at hindi pa kasama ang mga usapin ng ill-gotten wealth ng mga sangkot.
Matatandaan nitong Setyembre, dalawang luxury vehicles ang isinuko ni Hernandez sa ICI habang nagpapatuloy ang masusing pagsisiyasat ng administrasyon sa mga umano’y anomalya sa flood control projects sa Bulacan at iba pang lalawigan. #
