CPOSCO, nanawagan sa bumangga sa mga barrier sa JASA na magpakita na
CITY OF SAN FDO, PAMPANGA — Nananawagan ngayon ang City Public Order and Safety Coordinating Office (CPOSCO) sa driver na nakabangga ng mga plastic barrier sa Jose Abad Santos Avenue (JASA) na magpakita na.

Ayon kay Louie Clemente, hepe ng CPOSCO, madaling araw ng Huwebes, October 9, nang tumagilid ang isang sasakyan sa JASA malapit sa NLEX Northbound Toll Plaza. Ito’y matapos mabangga ang mga barrier na inilagay ng kanilang tanggapan nito lamang Martes, October 7.


“Apparently mukha raw lasing yung driver,” saad ni Clemente sa CLTV36 News.
Ani Clemente, agad umanong humarurot paalis ang driver na nakabangga matapos tulungan ng mga bystander na maitayo ang tumagilid na sasakyan.


“Maituturing po itong hit-and-run sa government properties,” paliwanag ng opisyal.
Pinag-aaralan na rin aniya ng CPOSCO ang posibleng adjustment sa placement o kung kinakailangang tanggalin ang mga inilagay na barrier. Layon sana ng mga ito umano na pigilan ang mga motoristang nagka-counterflow sa nasabing bahagi ng JASA. #
