Pagtatayo ng public veterinary clinic sa bawat LGU, isinusulong sa Kamara
Upang mapigil ang pagkalat ng mga sakit sa hayop gaya ng African Swine Fever o ASF, inihain nina Abra Lone District Representative Joseph Sto. Niño Bernos at asawang si Solid North Party-list Representative Ching Bernos ang House Bill 5059 o ang Animal Medical Center Bill.
Layon ng panukala na magtayo ng veterinary clinic sa bawat lokal na pamahalaan upang mabigyan ng sapat na access sa health services ang mga alagang hayop at mga livestock ng mga magsasaka.
Nakasaad sa panukala na ang mga klinika ay mag-aalok ng consultation, bakuna laban sa rabies at iba pang karaniwang sakit gaya ng deworming at minor surgical procedures.
Magsisilbi rin ang mga ito bilang sentro para sa disease monitoring, outbreak response, at pagtuturo sa responsableng pag-aalaga ng hayop.
Ayon kay Bernos, nabuo ang panukala dahil sa matagal nang problema ng ASF sa kanilang lalawigan at iba pang bahagi ng bansa. Naniniwala siya na makatutulong ang pagkakaroon ng maayos na veterinary clinic sa bawat bayan upang maiwasan ang pagkalugi ng mga magsasaka at maprotektahan ang kanilang kabuhayan.
Dagdag pa ni Ching Bernos, makatutulong din ang pagtatayo ng mga public veterinary clinic sa pagpapanatili ng balanseng komunidad dahil ang pangangalaga sa mga hayop ay kaakibat ng pangangalaga sa kapakanan ng tao. #
