BCDA, Japanese firms, nagtambal para sa sustainable development, smart connectivity

Tatlong mahahalagang kasunduan ang nilagdaan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) katuwang ng Japanese government at mga private sector partners.
Layunin ng mga kasunduan na maisulong ang pagpapaunlad ng properties ng BCDA na nakatuon sa waste management, renewable energy, telecommunications, at sustainable development.
Sa official mission ng ahensya sa Tokyo, Japan, nilagdaan ni BCDA President and CEO Engr. Joshua Bingcang ang Memorandum of Understanding (MOU) sa Kanadevia Corporation (KVC) na isang industrial engineering company.
Nakapaloob sa MOU ang pagsasagawa ng preliminary feasibility studies sa pagtatayo ng waste to energy facility sa New Clark City (NCC) sa Capas, Tarlac.
Alinsunod ito sa hangarin ng ahensya na gawing green and resilient metropolis ang NCC sa pamamagitan ng sustainable solutions at pagsusulong ng circular economy.
Napagkasunduan rin ng BCDA at Japanese telecommunication firm na IPS Inc., at InfiniVan ang MOU para pag-aralan ang potensyal na pagtutulungan para sa mga proyektong nakatuon sa ICT assets ng BCDA sa Poro Point Freeport Zone at iba pang lugar na pinapangasiwaan ng ahensya.
Malaki raw ang magiging kontribusyon nito sa implementasyon ng Luzon Bypass Infrastructure Program sa pagtitiyak ng high speed internet connectivity sa mga lokal na komunidad na pakikinabangan ng mga Pilipino.
Nakipag-partner din ang BCDA sa Japan Bank for International Cooperation (JBIC) para sa pagpapaunlad at promosyon ng mga proyekto ng government corporation hinggil sa energy transition at sa environment and social sustainability.
Palalakasin daw ng MOU ang relasyon ng BCDA sa business community sa Japan at ang partisipasyon ng mga ito sa green at sustainable initiatives ng ahensya. Handa rin umanong pondohan ng JBIC ang mga proyektong makakalikasan ng BCDA.
Isinagawa ang paglagda ng mga MOU sa Philippine Embassy sa Tokyo nitong September 30 bilang bahagi ng 4-day official mission ng BCDA sa naturang lugar na magtatapos sa Huwebes, October 30.
Patunay raw ang mga kasunduan sa malakas at matibay na relasyon ng Japan at Philippine government at sa tiwala ng mga organisasyon sa Japan sa kapasidad ng BCDA sa pagpapatupad ng sustainable development, inobasyon, at mga proyektong pangkaunlaran sa mga economic zones. #
