Landbank, itinangging may iregularidad sa paghawak ng DPWH accounts

Mariing itinanggi ng Land Bank of the Philippines ang alegasyon na may iregularidad sa paghawak nito ng mga account ng contractors ng Department of Public Works and Highways (DPWH), partikular sa flood control projects.
Ayon sa LandBank, isinagawa ang lahat ng transaksyon alinsunod sa umiiral na banking laws at may mahigpit na pagsunod sa mga mandato ng pamahalaan at oversight agencies.
Binigyang-diin ng naturang bangko na ang pondo ay nagmula sa Department of Budget and Management (DBM) at inilabas sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA), bago ipinamahagi ng DPWH sa mga contractor.
Dagdag pa rito, tiniyak din ng LandBank na nasunod ang “Know Your Client” protocols, risk management procedures, at documentation requirements, habang lahat ng cash withdrawals na lampas ₱500,000 ay otomatikong iniulat sa Anti-Money Laundering Council o AMLC.
Iginiit din ng bangko na walang batayan sa ilalim ng batas upang pigilan ang paglabas ng pondo, ngunit handa umano silang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon ng mga otoridad.
Matatandaang kinuwestyon ni Senator Kiko Pangilinan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang ginawang pagwi-withdraw ni Sally Santos ng SYMS Construction ng halagang ₱400 million na cash na siyang pinaghihinalaang nagamit sa maanomalyang flood control projects. #
