DepEd employees at teachers, qualified sa 2023 Performance-Based Bonus

Kasunod ng pag-apruba ng pamahalaan sa ₱1.64 billion na 2023 Performance-Based Bonus (PBB) ng Philippine Army, kinumpirma ng Department of Budget and Management (DBM) na eligible o kwalipikado rin ang mga empleyado ng Department of Education (DepEd), kabilang ang mga public school teacher.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, natapos na ang masusing pagbusisi at napatunayang pumasa ang DepEd sa mga itinakdang pamantayan para sa PBB.
Bahagi raw ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na bigyang-pagkilala ang sakripisyo at dedikasyon ng mga guro sa pagpapalakas ng education system sa bansa.
Binigyang-diin ng kalihim na hindi matatawaran ang ambag ng mga guro sa lipunan, kaya’t nararapat lamang na patuloy silang suportahan sa pamamagitan ng mga benepisyo.
Kaugnay nito, ayon kay House Committee on Appropriations Chair at Nueva Ecija 1st District Representative Mikaela Suansing, nakatakdang magpulong ang technical working group sa Martes, September 30. Sa pagpupulong, inaasahang pormal na ilalabas ang resolusyon na magdedeklara sa DepEd bilang qualified agency para sa PBB.
Ang hakbang na ito ang magsisilbing final basis para masimulan ang distribusyon ng incentives sa mga kawani at guro.
Batay sa Memorandum Circular No. 2023-1, kailangang makapasa ang isang ahensya sa ilalim ng “Four Dimensions of Accountability” at makakuha ng hindi bababa sa 70 points upang maging kwalipikado sa bonus. #
