Heart Evangelista, time out muna sa mga fashion event
Hindi raw muna dadalo ang actress at fashion icon na si Heart Evangelista sa Milan and Paris Fashion Week ngayong season.

Ito ay upang tutukan umano ang paghahain ng ligal na aksyon laban sa mga online attack na inuugnay ang kanyang lifestyle sa mga korapsyon.
Sa isang Instagram Live nitong Martes, September 23, iginiit ng aktres na mas mahalaga sa ngayon ang manatili sa Pilipinas at makiisa sa mga isyung kinakaharap ng lipunan.
Humingi naman ng paumanhin si Heart sa kanyang fans na umaasang makikita siyang muli sa front row ng prestihiyosong fashion shows.
Matagal nang kilala si Heart bilang prominent personality sa Fashion Week at katuwang ng iba’t ibang luxury brands. Nilinaw niya na pansamantala lamang ang kanyang pagliban at posibleng bumalik siya sa susunod na season, depende sa sitwasyon.
Kasabay nito, ibinahagi rin niya ang mga personal attack na kanyang natatanggap online, kabilang ang mga komento mula sa netizens laban sa kanyang pagkatao bilang asawa ni Senator Chiz Escudero.
Kasama ang pangalan ni Escudero sa mga idinadawit na umano’y tumanggap ng kickback mula sa mga flood control project.
Pinasinungalingan naman ito ni Heart at sinabing patuloy siyang nagtatrabaho dahil ito ang nagbibigay saysay at direksyon sa kanyang buhay.
Dagdag pa ng aktres, nagsasagawa na siya ng ligal na hakbang laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa kanyang financial status at trabaho, at binigyang-diin na malinaw at dokumentado ang kanyang mga pinagkakakitaan.
Samantala, ibinahagi rin niya ang kanyang hindi naging pagdalo sa ikinasang “Trillion Peso March” nitong September 21, kung saan ilang artista ang dumalo. Aniya, nakatanggap siya ng pagbabanta laban sa kanyang kaligtasan kung kaya’t hindi siya nakapunta sa naturang pagtitipon.
Gayunpaman, iginiit niyang dama niya ang pagkadismaya ng mga Pilipino sa mga usaping may kinalaman sa korapsyon.
Sa huli, tiniyak niya sa kanyang mga tagasuporta na maninindigan siya para sa kanyang reputasyon at magpapatuloy sa kanyang propesyon sa kabila ng mga paninira. #
