Clark Freeport, patuloy na isinusulong bilang isang dynamic business space
CLARK FREEPORT — Umabot na sa ₱77 billion ang kabuuang halaga ng mga nakuhang committed investments ng Clark Freeport noong 2024, ayon sa Clark Development Corporation (CDC).
Inihayag ito kasunod ng idinaos na 2025 Philippine Economic Briefing sa Hilton Clark Sun Valley nitong Lunes, September 22.
Ayon kay CDC President at CEO Atty. Agnes Devanadera, pinapabilis ng ahensya ang proseso ng pagnenegosyo at tinatanggal ang red tape upang makahikayat pa ng mas maraming mamumuhunan.
Dagdag pa niya, kabilang sa target ng CDC ang pagbubuo ng isang komunidad na sumusuporta sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs), na aniya’y mahalaga sa pagpapatatag ng lokal na ekonomiya.
Sinabi rin niya na nag-alok na sila ng mga pasilidad nang libre upang magamit ng MSMEs bilang pamilihan ng kanilang mga produkto. Hinihikayat din niya ang mga ito na magdala ng souvenir items para sa Clark upang mas lalo pang mapalago ang kanilang negosyo.

Suporta para sa manggagawa
Sa kasalukuyan, may 1,213 locators sa Clark na nagbibigay ng mahigit 146,000 trabaho sa rehiyon. Binanggit ni Devanadera na patuloy na pinapalakas ng CDC ang mga programa para sa kapakanan ng mga manggagawa, kabilang ang pagpapatupad ng health program at sports activities.
Ipinunto niya na kung maayos ang kalusugan ng mga empleyado, mas makaka-focus sila sa trabaho. Idinagdag pa niya na sa pamamagitan ng mga health program at sports events, nagkakaroon ng balanseng buhay ang mga manggagawa.
Tulong sa local artists at small businesses
Kabilang din sa mga hakbang ng CDC ang pagbibigay ng libreng espasyo para sa mga local artists at produktong Pilipino. Kasabay nito, nakikipagtulungan din sila sa mga hotel at iba pang negosyo upang makapagbukas ng mas malawak na merkado para sa maliliit na negosyo.
Binigyang-diin ni Devanadera na layunin ng CDC na gawing modelo ang Clark Freeport bilang isang dynamic business ecosystem—isang lugar na hindi lamang destinasyon ng mga kumpanya kundi nagsusulong din ng pangmatagalang pag-unlad para sa lahat. #
