Higit ₱6.7-T national budget, aprubado na ng House panel; ₱255-B na flood control budget, inilipat sa ibang sektor
Inaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang mahigit ₱6.79 trillion na General Appropriations Bill para sa taong 2026.

Kalakip dito ang reallocation ng ₱255.53 billion mula sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Para sa sektor ng edukasyon, inaprubahan ang karagdagang ₱37.3 billion, kabilang ang ₱22.5 billion para sa pagtatayo at pagkumpleto ng 19,360 classrooms sa ilalim ng Department of Education (DepEd).
Nadagdagan din ang pondo ng Commission on Higher Education (CHEd) para sa Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong Program, habang nakatanggap ng dagdag na scholarship funds ang TESDA at Philippine Science High School System.
Pinakamalaking pondo naman ang napunta sa health sector na umabot sa ₱89.28 billion, kabilang ang pagbabalik ng ₱60 billion sa PhilHealth upang palawakin ang natatanggap na benepisyo ng mga miyembro nito, at mahigit ₱26 billion para sa Medical Assistance to Indigent Patients Program.
Sa sektor ng agrikultura, inilaan ang ₱44.9 billion para sa mga farm-to-market roads, postharvest facilities, irigasyon, at direktang tulong sa mga lokal na magsasaka. Nakatanggap din ng pondo ang mga programa para sa cold storage, fish ports, at soil health.
Malaki rin ang ibinigay na karagdagang budget para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) — nasa ₱32 billion para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations Program.
Samantala, mahigit ₱17 billion ang napunta sa Department of Labor and Employment (DOLE) para palawakin ang emergency employment at livelihood programs.
Nabigyan din ng pondo ang iba pang sektor tulad ng transportation, energy, communication, at environment. Kabilang dito ang mahigit ₱266 million para sa operations and maintenance ng MRT-3; ₱1 billion para sa National Broadband Program ng Department of Information and Communications Technology (DICT); at dagdag na ₱1 billion para sa Project NOAH ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon kay Committee on Appropriations Chair at Nueva Ecija 1st District Representative Mikaela Suansing, ang bagong porma ng national budget ay nakasentro sa pagpapatibay ng human capital at pagpapalakas ng kinabukasan ng ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa niya, tugon din ito para matiyak na napupunta ang pondo ng Pilipinas sa mga programang direktang nakaaapekto sa tao gaya ng edukasyon, kalusugan, at pagsasaka. #
