Higit ₱3-B budget para sa flood control sa Hagonoy, hindi naramdaman: Mayor Alvarado
Cooltura by Jeoff “Jopay” Solas

HAGONOY, BULACAN — Umigting ang panawagan para sa transparency at accountability matapos isiwalat ni Mayor Charo Sy-Alvarado na ₱3.056 billion ang inilaang pondo para sa mga flood control project sa kanilang bayan. Aniya, hindi ito naramdaman ng kanyang mga kababayan dahil nananatiling lubog sa baha ang Hagonoy.
“Tatlong bilyon na po ang inilaan para sa flood control, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin naililigtas kahit isang barangay sa Hagonoy. Ito ang masakit, dahil pera ito ng bayan na dapat sana ay ramdam ng tao,” pahayag ng alkalde.
42 projects, 22 barangays: Nasaan ang resulta?
Base sa tala, ang naturang pondo ay inilaan para sa 42 proyekto na dapat sana’y ipatutupad sa 22 barangay ng Hagonoy. Subalit sa pag-validate ng local government, lumabas na marami sa mga nakalistang “completed” ay kasalukuyan pa lamang ginagawa o kaya’y hindi matunton.
Ayon kay Mayor Alvarado, malinaw na may mga tinatawag na ghost projects — mga proyektong nakatala at may pondo, ngunit kulang o wala ang implementasyon. Nanawagan siya na tigilan na ang paggamit sa Hagonoy bilang palusot para sa mga programang hindi naman napapakinabangan.

Nitong Linggo, September 21, libo-libong residente ang nagtipon sa isinagawang kilos-protesta upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa tila kawalan ng solusyon sa baha kahit pa bilyong piso ang inilaan.
Kasabay ng hinaing ng mga mamamayan, lumutang din ang mga pangalan ng ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District na sangkot sa anomalya.
Bukod kina Henry Alcantara at Brice Ericson Hernandez, nadawit din ang pangalan nina Jaypee Mendoza at Juanito Mendoza, kasama ang iba pang political figures na umano’y may kinalaman sa pagpapatupad ng flood control projects.
Dahil dito, nauna nang nagsampa ng mga kaso si DPWH Secretary Vince Dizon laban sa mga dating opisyal at contractor batay sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Hindi lamang lokal na usapin ang nadala ng anomalya. Nagbunga rin ng ito ng “pressure” sa national government. Patunay umano rito ang pagbibitiw sa pwesto ni House Speaker Martin Romualdez.
Lumalakas din ang panawagang pabalikin ng Pilipinas si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na nakitang konektado sa mga isyung may kinalaman sa budget.
Ang pagbibitiw at eskandalo sa mga mambabatas ay itinuturing na malaking dagok sa political landscape, at nagpapakita ng malalim na epekto ng flood control controversy na nagsimula sa malawakang daing ng mga Pilipino.
Sa panayam, nilinaw ni Mayor Alvarado na hindi personal na laban ang kanyang ginagawa, kundi isang paninindigan para sa bayan.

“Kung may inilaan na tatlong bilyon, dapat malinaw kung nasaan ito. Hindi pwedeng papel lang ang may proyekto,” giit ng alkalde.
Dagdag pa niya, mahalaga ang transparency sa bawat yugto ng proyekto — mula bidding, pagpapatupad hanggang turnover — upang masiguro na nararamdaman ng tao ang resulta.
“Kung tatlong bilyon na ang nawala at baha pa rin ang nararanasan namin, dapat may managot. Ang hinihingi ng Hagonoy ay hustisya, at hindi kami titigil hangga’t hindi ito nakukuha,” pahayag ng alkalde. #
