Mga pag-aresto at umano’y harassment sa Sept. 21 protests, iniimbestigahan ng CHR
Tinututukan ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga kaso ng mga naaresto sa iba’t ibang kilos-protesta nitong Linggo, September 21.
Sa inilabas na pahayag ng independent constitutional office, ongoing ang consolidation ng mga dokumento at mga testimonya na naipon ng kanilang team na itinalaga sa magkakaibang protest sites.

“Protest assemblies were noted to be peaceful in the morning at the Luneta Park…tensions, however, escalated at random places in Manila where clashes between groups and police were observed in the afternoon,” ayon sa CHR.
Bunsod nito, muliing iginiit ng Komisyon na ang pagpoprotesta ay isang mahalagang sangkap ng ating demokrasya at hindi dapat ipagbawal—subalit hindi rin anila ito dapat magdulot ng kaguluhan at kapahamakan sa publiko.
“While the State may regulate assemblies to preserve public order, such measures must always comply with human rights standards, guided by the principles of necessity, proportionality, and accountability,” saad pa ng CHR.
Iimbestigahan din ng human rights commission ang umano’y harassment na naranasan ng isang media personnel sa protest site.
Sa datos ng National Union of People’s Lawyer (NUPL), aabot sa 216 katao ang inaresto na kinabibilangan ng ilang menor de edad.

As of 12 PM ng September 23, nagpapatuloy ang pagkilos ng NUPL kasama ang iba pa sa tapat ng Manila Police District Headquarters kung saan naka-detain ang mga inaresto.
Kinundena na ni NUPL President Atty. Ephraim Cortez ang umano’y paglabag sa constitutional rights ng mga detainee lalo pa’t malapit na aniya mag-48 hours mula nang sila ay ikulong, subalit hindi pa rin nakakasuhan hanggang ngayon. #
