Iran, sinelyuhan ang laban ng Alas Pilipinas sa World Championship; pambansang koponan, nag-iwan ng inspirasyon sa bagong henerasyon ng mga atleta

Tapos na ang makasaysayang kampanya ng Alas Pilipinas sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship matapos silang pataubin ng koponan ng Iran sa kanilang dikdikang five-set battle sa Mall of Asia Arena nitong Huwebes, September 18.
Nagtapos ang kanilang laban sa scores na 21-25, 25-21, 17-25, 25-23, 22-20.
Unang nagpasiklab ang mga Pinoy sa opening set at muling nanguna sa 3rd set. Ngunit hindi nagpatinag ang World No. 16 na Iran at kumapit hanggang sa dulo para makabawi.
Naging highlight ng laro ang kanilang sagupaan sa deciding set nang maselyuhan sana ang laro ng Alas Pilipinas sa dapat sana’y winning block ni Kim Malabunga sa 19-18. Subalit, naging tabla ang score matapos ang matagumpay na net touch challenge ng Iran.

Nagbigay ng huling pag-asa ang team captain ng Alas na si Bryan Bagunas matapos ang isang attack para sa 20-all, ngunit hindi na pinakawalan pa ng Iran ang pagkakataon at nagtapos sa dalawang magkasunod na puntos na nagpatahimik sa buong MOA Arena.
Sa kabila ng pagkatalo, nagmarka ang Alas Pilipinas ng kasaysayan sa kanilang world stage debut, matapos talunin ang World No. 21 na Egypt dalawang araw bago ang laban kontra Iran.
Bumida sa scoring sina Bagunas, Kim Malabunga, Leo Ordiales, at Marck Espejo na nagtulungan upang matapatan ang mga powerhouse team.
Bagama’t hindi nakapasok sa knockout phase, naiwan ng Alas Pilipinas ang kanilang tatak bilang bagong pwersa sa men’s volleyball na maituturing bilang kwento ng tapang at laban na inspirasyon para sa mga susunod na henerasyon. #
