Bagong rice processing facility, binuksan sa Pampanga; higit 36,000 magsasaka, makikinabang sa modernong pasilidad

Tinatayang aabot sa mahigit 36,000 na magsasaka sa lalawigan ng Pampanga ang direktang makikinabang sa bagong Rice Processing System (RPS) II na pinasinayaan ni President Ferdinand Marcos, Jr. sa Barangay Pulungmasle, Guagua.
Binuksan ang naturang pasilidad na nagkakahalaga ng mahigit ₱61 million ngayong Biyernes, September 19, na binubuo ng multi-stage rice mill at dalawang recirculating dryers.
Itinayo ito sa ilalim ng Rice Competitiveness and Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program na target mapababa ang production costs at mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka sa post-harvest stage.
Ayon sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech, maaaring makatipid ng ₱2 hanggang ₱3 kada kilo ng palay ang mga farmer-users at mabawasan naman ng hanggang 5% ang post-production losses dahil sa modernong makinarya.
Kasabay nito, nag-turnover din ang Pangulo ng limang unit ng rice combine harvesters na nagkakahalaga ng ₱8.9 million para sa farmers’ cooperatives at lokal na pamahalaan ng Pampanga.
