Swedish pole vaulter Mondo Duplantis, muling nagtala ng bagong world record

Muling binago ni Armand “Mondo” Duplantis ng Sweden ang kasaysayan ng pole vault, matapos makapagtala ng bagong world record na 6.30 meters sa 2025 World Athletics Championships sa Tokyo, Japan nitong Lunes, September 15.
Kung noong 2021 Tokyo Olympics ay nanalo siya ng ginto sa gitna ng katahimikan dahil sa pandemya, ngayong 2025, sa harap ng mahigit 50,000 fans, pinaingay ng performance ng Swedish superstar ang stadium.
Bago ang kanyang record attempt, una na niyang naangkin ang panalo sa 6.15 meters pa lamang.
Ngunit, hindi pa roon natapos ang pagpapakitang-gilas ng atleta. Itinaas pa niya ang bar at sa kanyang 3rd attempt, nabasag niya ang sariling record na 6.29 meters.
Ito na ang ika-14 na beses na pinataob ni Duplantis ang sarili niyang world record.
Samantala, hindi rin naman nagpahuli sa torneo ang iba pang pole vaulters. Nakuha ni Emmanouil Karalis ng Greece ang silver matapos malampasan ang 6 meters, habang nagtala naman ng personal best si Kurtis Marschall ng Australia sa 5.95 meters para sa bronze.
Sa kasalukuyan, hawak na ni Duplantis ang tatlong world outdoor titles, dalawang Olympic gold medals, at iba pang championship titles sa indoor at European level.
Itinuturing na ngayong pinakamalaking bituin sa larangan ng athletics ang 25-anyos na si Duplantis at handa pa siyang magbigay ng mas magandang performance patungo sa 2028 Olympics sa Los Angeles. #
