Alas Pilipinas, wagi kontra Egypt sa kanilang world volleyball debut
Umukit ng kasaysayan ang Alas Pilipinas Men’s Volleyball Team matapos pataubin ang World No. 21 na Egypt sa kanilang debut victory sa 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championship sa Mall of Asia Arena nitong Martes, September 16.

Sa harap ng libo-libong fans na nanood, lumaban nang todo ang koponan at pinatunayang hindi sila basta-basta.
Nagtapos ang kanilang mainit na sagupaan sa scores na 29-27, 23-25, 25-21, 25-21.
At mula sa pagiging World No. 88, tumaas agad ang ranking ng Pilipinas sa World No. 77 dahil sa kanilang historic win.
Pinangunahan ni Bryan Bagunas ang opensa na nakapag-ambag ng 25 points, habang umangat din ang laro ni Leo Ordiales na nagtala ng 21 points.
Hindi rin nagpahuli si Marck Espejo na nagdagdag ng 13 points, kabilang ang match-clinching block na nagselyo sa tagumpay.
Sa unang set, halos mapasakamay na ng Egypt ang panalo ngunit ipinakita ng Alas ang matinding tibay ng loob. Mula sa apat na set points, kumapit ang mga Pinoy bago tinapos ni Ordiales ang laro sa isang service ace.
Bagama’t nakuha ng Egypt ang 2nd set, muling bumangon ang Pilipinas at sinelyuhan ang laban sa 3rd at 4th set.
Matibay ang depensa, nag-aalab ang atake, at walang tigil ang sigaw ng home crowd na nagsilbing dagdag na lakas para sa koponan.
Sa panalong ito, buhay na buhay ngayon ang tsansa ng Pilipinas na makapasok sa Round of 16.
Sa kasalukuyan, tabla ang record ng Pool A teams na Pilipinas, Iran, Egypt, at Tunisia sa 1-1, kaya’t inaasahang mas magiging matindi pa ang susunod na laban sa Huwebes, September 18. #
