Mahigit ₱116-B, ini-remit ng GOCCs sa gobyerno

Umabot na sa mahigit ₱116.84 billion ang nai-remit ng mga Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) sa National Treasury mula January hanggang September 2025, ayon sa ulat ng Department of Finance (DOF).
Inanunsyo ito sa isinagawang GOCCs’ Day sa Malacañang nitong Martes, September 16.
Batay sa ulat, galing ang mga dibidendo mula sa 53 government corporations kung saan 15 sa mga ito ang nakapag-remit ng hindi bababa sa ₱1 billion. Pinakamalaki ang kontribusyon ng Land Bank of the Philippines na nag-remit ng mahigit ₱33 billion. Pumangalawa ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na may higit ₱18 billion, habang pangatlo naman ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na nakapag-remit ng higit ₱12 billion.
Kasama rin sa nangungunang remitters ang Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) na may higit ₱10 billion, Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) na higit ₱8 billion, at ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Philippine Ports Authority (PPA) na parehong nag-remit ng mahigit ₱5 billion.
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na mahalaga ang kontribusyon ng mga GOCC sa pagpapatupad ng mga programang panlipunan at pang-ekonomiya ng pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na inaasahan pang madaragdagan ng humigit-kumulang ₱40 billion ang dibidendo ng GOCCs bago matapos ang taon, na posibleng magdala ng kabuuang remittance sa halos ₱157 billion. Noong 2024, naitala sa ₱138 billion ang full-year remittance ng GOCCs.
Batay sa Republic Act No. 7656 o ang Dividends Law, obligadong ideklara at i-remit ng GOCCs ang 50% ng kanilang net income sa national government kada taon. #
