Bagong child development library, binuksan sa CSFP para sa young learners
May bagong tahanan para sa pagbabasa, pagkatuto, at paglalaro ang mga batang Fernandino learners matapos buksan ng Pamahalaang Lungsod ng San Fernando ang Early Childhood Care and Development (ECCD) Library sa City Civic Center nitong Lunes, September 15.

Target ng pasilidad na ito na suportahan ang early childhood education sa pamamagitan ng mga babasahin, laruan, musical instruments, sports items, at iba pang learning resources na makatutulong sa paghubog ng kaalaman at pagkamalikhain ng mga bata.
Matapos ang ribbon-cutting ceremony, isinagawa ang storytelling sessions at iba pang aktibidad na nakatuon sa pagpapalalim ng interes ng kabataan sa pagbabasa at pag-aaral.
Dumalo sa opening ang ilang opisyal ng lungsod, gayundin ang mga kinatawan mula sa City Social Welfare and Development Office, Health and Social Services, at City Health Office.
Ang pagbubukas ng ECCD Library ay isa sa mga hakbang ng lungsod upang patuloy na maisulong ang mas inklusibo, dekalidad, at abot-kayang edukasyon para sa lahat ng batang Fernandino. #
